Monday, September 6, 2010

Pila Ng Tubig

May kataasan na ang haring araw ay nasa pilahan pa rin si Anette. Pawisan at pagod, nakatayo siya at nagbabantay maigi sa pilahan na halos tatlong oras na nyang hinihintay.  Hindi alintana ang ingay ng lansangan.  Mga batang naglalaro, mga sasakyang busina at maingay na harurot, mga vendor sa gilid at syempre ang blockbuster sa lahat, ang kayhabang pilahan ng tubig kung saan naroon sya.  Magkahalong kaba at pagmamadali at panghihinayang sa sarili na baka hindi na naman siya makapasok sa klase dahil lamang dito.  "Pagdating sa bahay, sigurado pagagalitan ako ng Tiya..." Iyan ang laman ng isip nya habang halos matulala kung ano ba ang dapat nyang idahilan.  Anim na taon siya ng iwan ng ina sa kanyang Tiya Rona upang mamasukang Domestic Helper sa Hongkong.  Iniwan na sila ng kanyang ama simula pa lamang nang siya'y isilang, kaya nagdesisyon ang ina'ng mag-abroad at iwan sya sa pinsan nito.  Buwan-buwan naman nagpapadala ang kanyang ina, at walang palya.  Nakapag-aral naman siya simula Kinder at ngayo'y nasa Grade 5 na.  Limang taong malayo sa piling ng ina at puro sulat at cards na punung-puno ng pangungumusta at pangungulila ng ina sa anak ang kanyang tanging saksi.  At ang galon, balde, maliit na container na'to na rin.  Sa kanyang pagkakatanda, may apat na taon na rin syang nag-iigib.  Apat na taong pagdurusa sa mundo ng maingay, maintriga, dayaan at singitan sa pila.  Ang kanyang patpating katawan ay halos bumigay na, ngunit, ito rin ang dahilan kung bakit kailangan niyang maging malakas araw-araw. 
"Walanghiya ka naman, pare.  Wala naman singitan!" sigaw ng mamang nakapila sa bandang unahan.
"Eh, hindi naman ako naniningit ah!  Kanina pa ako rito pinalitan ko lang ang lalagyan ko!"  galit na sagot ng inakusahan.
Biglang nagdagdagan ang ingay at kantiyawan sa paligid na animo'y naghihimok ng isang away.  "Naku, 'wag na sana pag nagkataon lalo ako malalagot..."  mahinang usal ni Anette sa sulok.
Mabuti na lamang at hindi rin natuloy.  'Yun lamang lalong dumagdag ang ingay at pulos kantiyawan na para kay Anette ay isang panggugulo na naman sa kanyang isip.
Mabilis na rin namang umuusad ang pila at tatlong balde na lamang ay makakapagsalok na rin sya ng tubig.  Sa wakas!
May labinglimang minuto na ang nakalipas, at balde na ni Anette ang nakasalang.
"Salamat, makakapasok na rin ako."  masayang sabi nya sa sarili.
Mga ilang sandali pa at tangan-tangan na ng kanyang maliit na pangangatawan ang dalawang balde habang dahan-dahang papalayo sa pila.  Iniwan niya munang saglit ang apat na galon at isang maliit na container.  Ito na ang kanyang pinakamalaking pag-iigib sa buong buhay nya.  May karamihan, 'pagkat kailangan daw ng Tiya ang mag-impok ng maraming tubig sa linggong ito.
Nagawa nyang ihatid na lahat ng kanyang pinag-igiban sa likod-bahay nila at ayusin ang pagkakasalansan nito.  Agad siyang pumasok sa kusina at pinunasan ang kanyang basang paa.  Nagmamadali ang bata papasok sa isang maliit na silid nang biglang tawagin ng Tiya na noo'y nasa sala.
"Net, tapos na ba pag-iigib mo?" tanong nito.
"Opo, inayos ko na rin po." walang gatol at masayang tugon ng bata.
"Bakit ang tagal mo?"
"Kasi po mahaba ang pila, tapos..." hindi pa man nakapagdadahilan ang bata.
"Sa susunod, Net, kapag tinanong kita ayoko ng tapos at tapos.  Naiintindihan mo ba?  Mabuti nga hindi na kita masyadong napapalo, eh."  kunwang mabait na tono pa nito.
"Ah... opo." mahinang tugon na lamang ng bata.
"Sige na pumasok ka na, at bago ka umalis, punasan mo muna ang mesa at kunin ang mga damit sa sampayan, dali!"
Mabilis na kumilos ang bata na parang isang kidlat pagkatapos ang salitang "dali!" na kanyang Tiya.  Ewan nya ba at kung may ano sa salitang iyon.
Araw-araw ay ganito lagi ang paksa.  Pag-iigib ng tubig at eskuwela ay makalabang bagay sa kanyang isip.  At siyempre, ang pangarap na sana dumating na ang kanyang ina.  Sumpungin ang ugali ng tiya, kung minsan, para syang maamong tupa.  Kung minsan naman, daig pa nya ang bagsik ng isang leon sa gubat kapag hindi nasunod ang gusto.  Nasa Saudi ang asawa nya, at may dalawang anak. Isa, si Leona, ay nasa First Year High School, at si Louie o Lou kung tawagin ay nasa Fourth Year naman.  Mababait sila pero parehong bahag ang mga buntot kapag nagalit na ang ina.  Maraming pinagkakaabalahan ang kanyang Tiya Rona, pagpapautang ng 5-6, pagbebenta ng processed meat tulad ng tocino at longganisa, pagpapahulugan ng alahas, damit at kung anu-ano pang pabango at make-up.  Simula ng iwan siya rito, ang unang itinuro nito sa kanya ay ang paglilinis ng lababo at paghuhugas ng pinagkainan hanggang sa nadagdagan na lang din ng iba pang gawaing bahay at ngayon nga ay pag-iigib ang pinakamahalaga.  Sa panahon ngayon, kailangan may tubig ang bawat bahay.  At siya lamang ang naatasan para punan ang gawaing ito.  Isang patpatin at pagod na katawan ng isang labing-isang taong gulang na si Anette.  Isang araw, sinabi ng kanyang tiya na kailangan raw niyang mag-impok para sa tuition fee ng bata patungong High School, kaya kailangan niyang bawasan ang baon ni Anette.  Tutal naman daw ay may kalakihan ang binibigay sa kanyang pambaon.  Para kay Anette, nangangahulugang tanging pamasahe na lamang sa pagpasok at pag-uwi ang kanyang magiging "baon" sa eskuwela.  Dahil ang totoo, sapat lamang ang dating baon upang makabili ng tatlong pirasong kutsinta o maliit na tinapay, palamig at pamasahe.  Magtataas na rin ang pamasahe sa tricycle sa susunod na linggo kaya sa tingin niya ay kukulangin na ang magiging pambaon nya roon pa lamang.  Ngunit, walang makakapagpigil sa kanyang tiyahin kapag nagdesisyon.  Ito'y isang parang utos ng palasyo na hindi dapat isawalang-bahala. 
Kaya naisip ni Anette na maglakad na lamang pauwi galing eskuwela.  Hindi maaaring hindi sya sumakay kapag papasok, dahil mahuhuli siya sa klase at isa pa alam na alam niyang mag-iigib siya tuwing umaga, isa pa 'yon.  Masuwerte na nga at may washing machine na'ng naibili ang tiya dahil dalawang taon na ang nakakalipas ay siya ang nagbababad ng mga maruming damit tuwing Biyernes ng gabi upang malabhan nilang magpipinsan 'pag sumapit ang araw ng Sabado.  Napalo pa nga siya nito, nang minsan ay nahuli ang uwi nya ng tanghali dahil noo'y schedule nya ang magkula at magbabad ng nilabhan ng kanyang tiyahin.  Ngayon na marami syang pinagkakaabalahan, pinaglalaba na rin niya si Leona at Lou, depende sa kung sino ang nakaschedule.  Ang tanging gawain nya sa damit ay ibabad ang mga ito tuwing Biyernes ng gabi.  At si washing machine na ang bahala.


Mabilis at malalaki ang hakbang ng batang si Anette ng minsan magdadapit-hapon na.  Naglalakad sa mga maliliit na eskinita ang bata upang makapag-shortcut ika nga sa paglalakad patungong bahay.  Kulang na kasi ang pamasahe nya, kaya kailangan maglakad.  Isa pa, kailangan nya ring magmadali at uutusan pa sya ng tiya sa palengke.  "Sana may nabiling ulam na ang tiya para hindi na ako uutusan..." ani nya sa sarili habang naglalakad ng matulin at walang kibo.  Nakarating din naman sya sa bahay ng pawisan at hapong-hapo.  May nabili na noong pang-ulam sa gabi ang tiya kaya hindi na sya nito uutusan.  Sa wakas!  (ulit) Hindi na naman sya maaabala, ngunit... 
"Net!  mag-igib ka ro'n kulang na ang tubig."  sigaw nito mula sa sala habang nakaupo sa sofa at nakaharap sa telebisyon.
"ah... opo" sagot na lamang ng bata na noo'y mabilis tinungo ang likod-bahay para hanapin ang maliit na timba.  Kailangan nyang bilisan upang makapag-aral ng leksyon para sa pagsusulit bukas. 
Tumakbo ng walang palya ang bata bitbit ang dalawang timba nang bigla nyang maalala, "Naku... saan nga pala ako kukuha ng pambayad para sa eksamin bukas.  Hindi bale bibigyan naman ako ng tiya..."  sa isip nya mayro'n syang konting hindi pagkasigurado sa tinuran.  Alam nyang katakot-takot na katanungan na naman ang aanihin nya kapag binanggit ang tungkol sa bayarin sa eskuwela.  At biglang na lamang syang nalungkot sa kakaisip ng kung ano ang mabuting ipasa-kalye sa tiyahin bukas ng umaga. 


Hindi nya magawang maipikit upang magkunwaring matulog.  Lubha syang nag-aalala para bukas.  Tiyak hindi raw sya pagbibigyan ng tiya.  Marami na kasing pagkakataon na laging huli ang pagbabayad sa pagsusulit at nauuwi pa minsan sa pananawagan ng maestra sa kung sino man ang magulang o kumukupkop sa iyo upang sila'y singilin at kausapin ng masinsinan sa kalagayan mo sa kinabibilangang pangkat.  Lagi syang ipinahihiya ng tiyahin sa mga pagkakataong iyon.  Kaya huwag na lang.  Kahit bata pa sya alam nya naman ang kahulugan ng respeto sa sarili, kaya hinding-hindi nya hahayaan na mangyari iyon.  Ngunit kailangan nya talaga ng pambayad sa pagsusulit.  Nung First at Second Grading, ay may utang na syang labing-isang piso at singkwenta sentimos, samantalang, labing-tatlong piso at pitungpu't limang sentimos naman ang pangalawa.  Nangangahulugang may utang pa sya sa maestra ng kabuuang dalawangpu't limang piso at dalawangpu't limang sentimos.  At ngayon pangatlo, kailangan nya ng labing-limang piso para sa eksamin at karagdagang pad na sa guro lang "tanging" mabibili.  Napatingin siya sulok na kinaroonan ng kama ni Leona nya.  Mahimbing na itong natutulog kaya hindi nya magagawang mautangan.  Nang biglang mapadpad ang paningin nya sa isang garapon na puno ng mga baryang tig-pipiso.  Iyon ang mga kinita ng tiya sa pagtitinda ng yelo at doon rin sya kumukuha ng pambayad kay Aling Mimay sa pag-iigib.   "Teka..."  Naisip ng bata habang napalunok sa sarili at pinagana muli ang isip habang hindi kumukurap sa pagkakatitig sa maliit na garapon.  "Ano kaya kung umutang muna akong sandali kay tiya mula sa garapon na'yon?"  May halong alinlangan ang isip nya.  Ngunit, mahalaga ang pagsusulit, kung maaari lang na hindi na sya sumakay sa pagpasok sa eskuwela at hindi na rin mag-recess ay kakayanin nyang gawin, huwag lamang pumalya sa pagsusulit.  "Kukuha lang ako para sa eksamin at babayaran ko rin sa susunod ng linggo."  Takot man, ay buo na ang kanyang pasya na kumuha ng pera.  Dahan-dahan siyang lumapit sa kinalalagyan na iyon, at luminga-linga ng bahagya upang magmasid.  Bumuntong-hininga ang bata nang masiguro niyang walang nakatingin.  Lahat ay natutulog na kaya imposibleng mapansin siya.


Umaga na naman.  Tulad ng nakagawian, pag-iigib na naman ng tubig ang una bago pumasok sa eskuwela.  Mabilis niyang nagawa ang lahat ng gawain para sa umagang iyon kaya may malaking oras siya sa paglalakad patungong eskuwelahan.
"Tiya, papasok na po ako."  namumutlang paalam niya.
"O sige, pumasok ka na.  Sandali, maaga pa 'di ba?"
"Ah... May eksamin po kami ngayon hanggang sa Biyernes"
"Ganon ba... o sige"  tugon ng tiya habang hindi man lang mag-angat ng ulo upang mapansin ang kanyang inosenteng mukha na hindi makapagsinungaling.  Ni hindi man lang naisip na siya'y tanungin tungkol sa pambayad sa eksamin.
Ayos!  Hindi siya napansin.  Mabilis na lumabas ang bata kasabay ng malakas na kaba sa dibdib, puno ng panghihinayang, alinlangan at takot na kakaharapin.


Dumaan ang apat na araw.  Tapos na ang pagsusulit, ngunit nag-uumpisa pa lamang ang kanyang kalbaryo tungo sa  pag-iipon ng pambayad sa kanyang inutang.  "Hindi na siguro mapapansin ng tiya, kasi lagi siyang abala..."  iyon na lamang ang tanging pampalubag-loob nya sa kanyang alalahanin.  Ngunit, kahit anong tago ng isang lihim ay siyang mabubunyag pa rin.  Habang isang araw pauwi ay nakita siya ng kanyang tiyahin na naglalakad palabas sa eskinita.  Nakasakay ito sa tricycle kaya hindi niya napansin na dumaan paharap sa kanya.  Nakataas ang kilay nito at animo'y nagbabadya ng isang malaking imbestigasyon. 


"Kasi po... n-nagtitipid po ako ng pamasahe..."  sagot ni Anette habang napapaurong ang dila at nangingilid ang pigil na luha sa mata.
"May pamasahe ka naman 'di ba?" mataas ang boses ng kanyang Tiya Rona sa tinurang ito.
"Nagtitipid p-po ako..." mahinang usal sabay napapikit ang bata.
"Aba... aba... at bakit mo naman ginagawa yan?  Ginugutom ba kita?  Eh, 'di ba may baon ka naman sa araw-araw?"
"P-pambayad po kasi..."
Tumaas ang kilay ng Tiya, at ngayon ay inabot ang mahabang sinturon ng kanyang Tiyo Mauro. 
"Hindi mo ba sasabihin kung bakit...?" sarkastiko ang boses ni Rona habang hawak ang sinturon animo'y handang sundalo.
Pinagpapawisan ng malamig si Anette.  Urong ang dila ng bata.  Sa kanyang edad mababakas sa mata ang pagod at pangamba na dapat ay hindi niya pinagkakaabalahan pang isipin.  Ngunit sadyang may mabuti siyang puso na hindi kayang magkunwari.
"Tiya... pasensya na po kayo..." mahina ang boses ng bata at kinakabhan.
"Kumuha po ako ng perang pambayad sa test doon sa garapon para sa tubig... kasi po..."
Hindi pa man din natatapos ang paliwanag ay agad na dumapo na sa kanyang pigi ang masakit na sinturon ng tiyuhin.
"Huwag kang iiyak!", sigaw ni Rona. "Alam mo ba ang tawag sa ginawa mo?!  Nagnakaw ka?  Iyan ang pinaka-ayaw ko sa lahat!"  At sige lang sa paghagupit ng sinturon ang tiyahin habang walang kalaban-laban ang payat na pangangatawan ng bata.  Umiiyak ito kahit ba sinabi ng tiyahin na bawal.  Naiiyak siya sa sobrang pait na nararanasan niya.  Ngunit ang hagupit ay patuloy lang at animo'y hindi yata magpapalya.  Nasasaktan na siya.  Kaya...
"Tama na po...  Tama na!"  sumigaw si Anette at sabay sinalo ng kanyang kamay ang pagtama ng sinturon sa kanyang murang katawan.
"At lumalaban ka na sa akin?!  Ha?!"  galit naman si Rona sa tinuran ng bata.
"Tama na po!  Hindi ko na kaya ang ginagawa nyo sa akin!"  himutok ng bata habang patuloy sa pag-iyak.  Ang mga batang naglalaro sa harap ng bahay nila ay agad sumilip sa kanilang bintana upang saksihan ang matapang na pananalita ni Anette.  Mula sa kusina ay lumabas si Leona at naaawa man ay hindi niya kayang ipagtanggol ito sa ina. 
"Kailangan ko po ng pera para sa eksamin namin, pero alam ko po na kagagalitan niyo lamang ako at papahiyain kaya hindi ko na lamang sinabi sa inyo!  Hindi ko po ninakaw ang pera para sa pag-iigib!  Hindi po ako magnanakaw!  Hindi po ako kumukuha ng hindi sa akin!  Hindi po ako tulad n'yo tiya!" may diin sa huling sinabi niya, ngunit ni walang panghihinayang na mababakas kay Anette.  Nagpasya na siya.  Ang kanyang huling nabanggit ay lalo lamang nagpaigting sa galit ng tiyahin, kaya wala pa man din ay bigla siya nitong sinampal ng ubod-lakas, na siya namang ikinasadlak sa sofa.  Hindi pa man din nakakatayo ang bata ay hahagupitin naman siya ng sinturon nito.  Sa awa, biglang napatakbo si Leona at agad niyakap ang ina upang hindi na ituloy ang pagmamalupit nito.  Si Anette naman, ay mabilis na bumangon sa sofa, sa kabila ng masakit na katawan ay nagawa pa ring maabot ang pinto.  Habang si Leona ay pinipigil ang ina...
"Tumakbo ka na, Net!  Sige na,"  tulong ni Leona habang nagpupumiglas ang ina.
"Sige, lumayas ka!  Tingnan natin... babalik ka rin dito!"  nagsusumigaw si Rona, habang ang mga kapit-bahay at ibang mga usisero't usisera ay halos nasa harap na ng bahay nila at matamang sinasaksihan ang eksenang iyon.
"Sorry po, Tiya..., Ate Leona..."  umiiyak si Anette, ayaw man niyang umalis, ngunit sa sandaling iyon ay awang-awa na siya sa sarili at kahihiyang sinapit.  Kaya wala man din siyang mapuntahan ay kumaripas ng takbo ang bata papalayo sa lugar na iyon.


Sa may ilalim ng tulay, sa tabing ilog, naroon si Anette.  Wala pa ring tigil ang iyak niya.  Pagkatapos ng lahat na sinabi sa tiya, tiyak na hinding-hindi siya no'n patatawarin.  Nagsisisi siya kung bakit nagpadalus-dalos sa pagsasalita.  Hindi na siya babalik, iyon na ang kanyang pasya.  Ngunit, paano naman si nanay?  Napaluha siyang bigla nang maisip ang ina.  Gulung-gulo siya sa sitwasyong iyon na kung tutuusin ay nagmula lamang sa maliit na bagay.  Naalala niya ang masasayang sandali nila ng kanyang ina noong siya'y maliit pa.  Naalala niya ang mga magagandang hayop na nakita niya sa Zoo, noong siya'y pinasyal nito.  Naalala niya ang haplos ng ina at boses nitong kaylambing.  Naalala niya ang maraming pangarap ng ina kapag nakapag-ipon na raw ito ng sapat ng pera para sa kinabukasan niya at nilang mag-ina.  Naalala niya ang ice cream na binili ng kanyang ina upang patahanin lamang siya.  Dahil doon, ay naisip ni Anette na huminto sa pag-iyak.  Nag-isip siya nang nag-isip.  Ipinikit ang mata.  Sa kanyang pagmulat, ay napatingin siya sa maruming tubig ng ilog.  Agad niyang napagtanto na ang maruming tubig na iyon ay sadyang walang pinagkaiba sa tubig na kanyang iniigib.


Kinabukasan, ay may mahabang pila sa pasilyo sa may tabing-ilog.  Pila ng mga taong nakiki-usyoso at nag-aabang sa mga rescuers. Mga batang iba't iba ang edad.  Mga taong iba't iba ang reaksyon.  Ang iba'y halos panghinaan ng loob at maawa sa masaklap ng balitang dala ng umagang iyon.  Isang bata diumano ang tumalon sa ilog. 

No comments:

Post a Comment